Hindi Namin Ipangangakong Kami'y Magbabalik
Alexander Martin Remollino
Hindi namin ipangangakong kami'y magbabalik,
sapagkat ang aming pag-alis ay hindi pag-alis.
Ang aming pamamaalam
ay pangangakong hindi kami lilisan.
Ang ating pagkakalayo ay isa ring pagkakalapit.
Iisang araw ang sumisilay sa atin sa katanghalian
at pare-parehong mga bituin
ang gumagabay sa atin sa kalaliman ng gabi.
Pinapagbibigkis ng iisang dagat ang ating mga tahanan.
At iisa ang ating pakikitalad
para sa kapayapaang
hindi katahimikan ng libingan.
|
Oct. 4, 2008. sa MISSbehaving Exhibit. Lunduyan Gallery, Kamuning |
Naaalala ko pa na sa'yo ako laging sumasabay pauwi sa South tuwing pagtapos ng mga meetings natin sa bahay ni Kiri. Sabi ko di ako mananakawan kasi malaking lalake ang kasama ko. Pero lagi ka naman nakakatulog sa humaharurot na bus. Kung manakawan ako, di mo mamamalayan. Taong 2005 pa 'yun. Dumalang ang ating pagkikita. Di ka na mashado nakakapunta sa mga meetings ng ARREST. Pero siguradong present ka sa mga events natin at mga mob ng National. Sa mga panahong maraming naduduwag na magsalita, o magsulat ng makabayan, andyan ka at ang KM64. Patuloy kang magiging inspirasyon sa aming mga artista. Lagi naming bibigkasin ang mapanghamon mong mga salita at tugma. Maraming salamat sa pagbahagi mo ng iyong buhay.
Ang pinakamataas na pagpupugay sa'yo, Alex.
(Si Alex ay pumanaw dulot ng malubhang karamdaman habang kasalukuyang ginaganap
ang isang fund raising event para sa kanya ang Artists' ARREST at Kilometer 64.)